Meron akong paboritong lubid.
Matagal ko nang iniingatan ito. Kung tatanungin mo ako kung saan ko nakuha ang lubid na ito, isa lang sasabihin ko - na pinulot ko lang ang lubid na ito pagkakitang pagkakita ko, dahil naramdaman ko na para sa akin ito, at ako ay para dito.
Meron akong paboritong lubid.
Marami rin ang may paborito rito. Hindi ko naman sila masisisi, dahil iba naman talaga ang karisma ng lubid na ito. Gaya ko, mahal na mahal rin nila ang lubid na ito. At magbago man ang mga nakahawak dito, iisa lang ang hindi magbabago, na kahit ano pang sabihin ng iba, poprotektahan namin ang lubid na ito.
Meron akong paboritong lubid.
Hawak ng ilang mga taga-gabay, na pilit na ginagawa ang kanilang
makakaya upang manatiling mahigpit ang kapit ng lahat. Sinasalo ang
bawat hagupit ng pagkakataon na talaga namang sumusubok sa kanilang
tibay at paninindigan.
Meron akong paboritong lubid.
Hawak ng mga makikisig na mandirigma na tulong-tulong upang mahila ito pataas. Nakatalikod ang mga mandirigmang ito mula sa kinalalagyan ko ngayon at tila hirap na hirap sa paghila sa paborito kong lubid na ito. Hindi ko man matanaw ang kanilang mga mukha dahil sa dilim ng daan na tinatahak namin ngayon, naaaninag ko naman ang mga numerong nasa kanilang mga likuran dahil sa kaunting liwanag na nakakapasok sa maliit na puwang ng pag-asa sa aking puso't isipan.
Meron akong paboritong lubid.
Nakikihawak rin ako. Nakikihila rin ako. Kami. Tayo. Ako at ang mga kapwa ko na paborito rin ang lubid na ito. Mahirap ang paghilang pinagdadaanan ng lahat para sa lubid na ito ngayon. Minsan ay nakakapagod na nga hilahin ito. Totoo. Madalas pa nga, masakit hawakan ito. Masakit para sa mga dumadaing na sana ay hindi mapatid ang lubid na ito.
Hindi naman mamahalin ang paboritong lubid ko. Sakto lang - abot ng masa, abot ng nagpapaka-masa, abot ng umaasa. Ang tigas naman kasi talaga ng ulo ko. Hindi ko nga alam kung bakit nakikihawak at nakikihila pa ako sa lubid na ito hanggang ngayon. Ang alam ko lang, masaya ako tuwing nakikita ko ang paborito ko. Tumatagos sa puso. Dumudurog ng diwa. Bumubuo ng pagkatao.
Hilahin kong pataas ang paborito kong lubid na ito. Isasama ko ang lahat ng nakahawak dito. At kung paborito mo rin ang lubid na ito, alam ko, ito rin ang gagawin mo. Pakiusap, huwag kang bibitaw. Atin 'to. Ito tayo.
2 comments:
We have been through worse, and that rope has kept us together. True. Kapit lang.
I always like to have a read about such things, my blog is related if you want to have a look round it please feel free. I have added yours to my bookmarks.
Post a Comment