Search This Blog

3.18.2011

Nang Magkatagpo

Sa totoong buhay pala,
hindi talaga nagaganap
ang mga ipinalalabas
sa mga pelikula at telenobela.

Hindi pala mabagal ang mga galaw
habang lumiliit ang inyong pagitan
hanggang sa hindi mo namalayan
na nasa harap mo na pala siya.

Wala rin palang akmang musika
na bigla nalang ng tutugtog
kapag nakatingin na kayo
sa mga mata ng isa't isa.

Wala rin yung nagkasalisi
na pahabol na lingunan
kapag nagkalampasan na
kayong dalawa.

Sa totoong buhay pala,
tibok lang ng puso ang maingay
at kakabahan ka na lamang
sapagka't parating na siya.

Pipilitin na huwag tumingin sa kanya
ngunit maiinis ka na lang dahil
bago pa man kayo magkalampasan
ay mapapatingin ka rin pala.

At kapag lumampas ka na sa kanya,
tapos na pala ang lahat at
didiretso ka na lang dahil
wala ka na palang lilingunin pa.

Sapagka't sa totoong buhay pala,
walang magaling na direktor,
walang malupit na tagasulat,
at higit sa lahat, hindi ka artista.

No comments: