Tunay nga na isang biyaya na maituturing,
ang pagiging bahagi nitong gawain na bago sa akin.
TV Eskwela ang kinailangang bigyan ng pansin,
ng mga mag-aaral na may iisa lamang na mithiin.
Marahil ako ay sadya lamang na mapalad,
na maging kaisa sa isa na namang bagong pagtahak.
Katuwang ay labing-isang huwarang kabataan,
at mga guro na kailan man ay hindi kami iniwan.
Ngunit tila tadhana ay mapaglaro lamang na talaga,
nang aming klase ay sinubok ng layo at distansya.
Majayjay, Laguna, lugar na kinailangang paglingkuran,
kaya't kami ay buong tapang na humarap sa laban.
Nagsimula ang pagtahak namin na ito,
sa aming hangad na maging daan ng mabuting pagbabago.
Telebisyon man o radyo ang gamiting instrumento,
Para sa amin, ang mahalaga ay ang kanilang pagkatuto.
Sa hindi inaasahan na pangyayari,
ang aking takot at kaba ay unti-unting napawi.
Mula sa pag-iisip kung magagawa ba talagang ito ay maitawid,
hanggang sa amin na ngang napagtagumpayan, ligaya ang hatid.
Ang hindi ko talaga kailanman malilimutan,
ang maging isa sa naatasang magtungo sa dapat na paroonan.
Malayo man ang Majayjay sa lugar na nakasanayan,
Di naman mapapantayan ang bait ng kanilang mamamayan.
Lubos ang pasasalamat ko sa pakikibahagi at pakikiisa
ng mga mamamayan na aming buong pusong pinaglingkuran.
Wala na yatang mas bubuti pa sa pakiramdam na ito,
na sila ay buo ang suporta at tunay ang nais na matuto.
Batid ko ang hirap ng bawat bahagi ng laban na ito,
dahil hindi talaga biro magpatakbo ng ganitong proyekto.
Marahil ay pagtuunan pa ng mas mahabang oras, siguro,
upang mas maiayos pa ang TV Eskwela nating ito.
Oras at sama-samang pagkilos, aking mungkahi
sa mas lalo pang pagsasaayos at pagpapabuti.
Akin ring napagtanto sa pagtatapos natin sa gawaing ito,
na tila mas nakabuti ang inakala kong dadagdag sa hirap nito.
Kakaunti man ang bilang ng mga taong aking nakatrabaho,
daan naman ito sa dagdag na pagsasaayos ng programang binuo.
Wala sa dami ng gumagawa ang ikauunlad ng programa,
nasa laki ng puso, sipag, at tiyaga.
Tunay nga na isang biyaya na maituturing,
ang pagiging bahagi nitong gawain na naging malapit sa atin.
TV Eskwela na bunga ng bawat paghihirap at tibay ng damdamin,
lubos na nagpapasalamat sa bawat aral na naibahagi sa akin.
Sinubok man,
pinatatag din.
(MKCC)