Sadyang napakamakapangyarihan ng pluma. May mga salita na maari sanang nakapag-ambag sa ating kasalukuyan ngunit hindi naisulat kung kaya’t nakalimutan rin kinalaunan. May nakapagsabi sa akin noon na kung gusto ko raw maging imortal, magsulat ako ng libro. Naniniwala ako dito. Ngunit sa tingin ko, kahit hindi libro; Kahit ibang uri ng panitikan ang ating ilimbag, basta’t may kabuluhan at kapupulutan ng aral, ay tatagal ng habang panahon. Maaring alam rin ito ni Dr. Jose Rizal. Siya na ilang taong pinaghandaan ang kanyang kamatayan ay nagsulat ng nagsulat sa pagnanais na maging imortal –imortal sa puso’t isipan ng kanyang mga kababayan.
Tungo sa hinahangad na kalayaan
Para sa akin, nagtagumpay si Dr. Jose Rizal sa kanyang pagnanais na maiparating sa mga Pilipino ang nais niyang ibahagi sa pamamagitan ng pagsusulat ng Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon. Malinaw ang kanyang layunin sa paglimbag ng isang sanaysay na tatalakay sa kalagayan ng Pilipinas bago dumating ang mga mananakop, sa kamay ng mga mananakop, at ang kinabukasan ng bayan. Totoo na may mga hindi natupad sa kanyang mga pangitain, ngunit mas nakatawag ng aking pansin ang pagtingin niya sa kinabukasan ng bayan na, ayon sa kanya, ay walang ibang pupuntahan kundi ang kalayaan sa takdang panahon. Bilang kabilang sa henerasyon na tinukoy ng ating pambansang bayani sa kanyang paglalahad ng kinabukasan, hangad ko rin ang paglaya ng bayan gaya ng ninais ni Rizal. Ngunit dumaan ang isang daang taon, ano na nga ba ang nangyari sa Pilipinas na ipinaglaban ni Rizal sa paraan na kanyang nalalaman? Ano na ang kinahinatnan ng bayan matapos ang paglisan ng mga dayuhan? At lumisan nga ba talaga ang mga dayuhan? Lumaya nga ba talaga ang bayan?
Nasaan na ang sariling pagkakakilanlan ng bayan?
Matapos ko mabasa ang makabuluhang sanaysay ng ating pambansang bayani ay hindi ko napigilang mapaisip kung anong Pilipinas nga kaya ang naghihintay sa susunod na henerasyon. Sumasang-ayon ako na wala pa talaga tayong natatamong ganap na kalayaan. Hindi man tayo nakakulong sa mga selda ay kasalukuyan naming bihag ng mga dayuhan ang ating mga isipan. Hindi na kinailangan pa ng armas para tayo ay masakop. Konting matatamis na salita lang, kaakibat ng napakagandang mga imahe ay sapat na para maisalin sa atin ang pag-iisip na kolonyal. Ito ang isa sa mga bagay na nais kong mawala sa Pilipinas. Naniniwala ako na hindi makakausad ang bayan kung patuloy tayo magiging sunod-sunuran sa pantayan na inilatag sa ating harapan. Tayo ay isang bayan na may sariling pagkakakilanlan, ngunit bale wala ito kung patuloy ang ating pagpupumilit na gayahin ang pagkakakilanlan ng ibang bayan.
Isangdaang taon mula ngayon
Isangdaang taon mula ngayon ay buong tapang kong iniisip na makakaalpas na ang bayan sa pag-iisip na kolonyal at sa diktaturyang kultural. Muling magbabalik ang ating puso’t isipan sa ating sariling bayan. Magkakaroon na ng mas matatag na pagkakakilanlan ang Pilipinas, at sa wakas ay buong lakas na nating mapaglilingkuran ang ating lupang hinirang. Nakikita ko rin ang pagiging wikang global ng wikang Pilipino sa loob ng sandaang taon. Sa tingin ko ay panahon na upang atin naming maipamalas ang yaman ng ating wikang pambansa. Buo ang aking loob na hindi na magtatagal ay maipapakilala na rin natin sa buong mundo ang tunay na galing ng mga tunay na Pilipino. Napapansin ko na sa bawat dayuhan na may dugong Pilipino na nakakatanggap ng karangalan at papuri sa ibang bansa ay iba ang ating pagtrato. Ngunit hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung ito ba talagang mga taong ito ay may pusong Pilipino. Totoo na may dugong Pilipino na nananalaytay sa kanila, ngunit ang pagka-Pilipino ay hindi lamang naka-angkla sa dugo o sa lahi. Higit na mahalaga ang pagmamahal sa bayan, pagpapahalaga sa mga kababayan, at pagsasabuhay ng mga katangiang Pilipino na habang-buhay magiging batayan ng pagiging Pilipino.
Para sa susunod na henerasyon
Pagkalipas ng isa na namang sandaang taon, ano na kaya ang kahihinatnan ng mga Pilipino? Paano na kaya ang Pilipinas sa kamay ng mga susunod pang gobyerno? Makakahanap pa ba pagbabago ang bayan na tila sinukuan na ng pait at pighati ng kahapon? Makakaalpas pa ba ang mga Pilipino sa mga problemang nakabaon sa kanila ngayon? May maghahangad pa ba ng ganap na kalayaan mula sa kaisipang kolonyal at diktaturyang kultural sa mga susunod pang henerasyon? Buo ang aking tiwala sa aking kapwa mga Pilipino gaya ng tiwala na ibinigay sa atin ni Dr. Jose Rizal. Kung nagtiwala ang ating pambansang bayani na magagawang makalaya ng bayan sa kasalukuyang pananakop noon ay walang dahilan upang hindi ko ito gawin sa susunod na henerasyon.
Nawa ay manatiling makapangyarihan ang pluma –isang sandata na lubos na makakatulong sa patuloy na pagliligtas sa bayan na ating sinilangan, sa bayan na patuloy nating ipinaglalaban. At sa susunod na sandaang taon, sana ay makamit na natin ganap sa kalayaan at kaunlaran na ninais ng ating pambansang bayani para sa bayan.
2 comments:
Thank you so much.
You're essay helped me a lot.
Always welcome! I'm glad I did. :)
Post a Comment