Search This Blog

12.13.2010

Para sa Bayan: Ang pagkabayani ni Dr. Jose Rizal

            Hindi dayuhan sa aking puso’t isipan ang pangalang Jose Rizal. Sino ba namang Pilipino ang hindi nakakakilala sa “small but terrible” na ito? Musmos pa lamang ang mga batang Pilipino ay iminumulat na sa kanila ng bayan kung ano ba ang halaga sa bansa ng taong may-ari ng ulo na nakikita nila sa piso. Tinaguriang pambansang bayani ng Pilipinas – siya raw ang perpektong Pilipino, sinasamba ng ilan, tinitingala ng karamihan. At ang parangal at papuri na ito ay hindi lamang nakakahon sa loob ng bansa dahil higit ang pagkilala sa kanya ng mga banyaga. Ngunit hindi lahat ay mataas ang tingin sa bayaning hindi naman nakipaglaban – nakipaglaban ng buong tapang kasama ng ating mga kababayan na dugo at buhay ang inalay makamit lamang ang kalayaan. Dito papasok ang isa pang pangalan na habang-panahon na yatang magiging kakabit ng pagkabayani ni Rizal – si Andres Bonifacio, at ang kanyang pamumuno sa himagsikan.

Kung hindi si Rizal, paano?

            Napakalaki ng pagkakaiba ni Rizal at ni Bonifacio kung kaya’t hindi maiiwasan na sila ay ipagtunggali. Ang isa ay tinahak ang daang marahas at ang isa ay pinili ang tahimik na pakikibaka. Kung kaya’t naisip ko, kung si Bonifacio ba ang kinikilala nating pambansang bayani sa ngayon, anu-ano ang mga magbabago? Magbabago ba ang ating pananaw ng malayang Pilipinas? Magbabago ba ang ating pagtingin sa kalayaan? Mababago ba ng titulong “pambansang bayani” ang katotohanan na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin nakakaalpas ang bayang binihag ng panahon? Ang bayang inalipin ng pagkakataon? Sa palagay ko ay mananatiling katanungan ang mga ito sa aking isipan, dahil si Rizal pa rin ang itinuturing na bayani ng makabagong lipunan.

Si Rizal at wala nang iba pa

            Buong detalyeng inilahad ni Esteban de Ocampo sa kanyang artikulong Who Made Rizal Our Foremost National Hero and Why? ang lahat-lahat ng magsusuporta sa kanyang pinaninindigan na si Rizal at wala nang iba pa ang dapat na maging pambansang bayani ng Pilipinas. Mula sa paglalahad ng kahulugan ng salitang “bayani”, pagbibigay ng mga kadahilanan kung bakit si Rizal ang natatanging bayani, hanggang sa pagpapaliwanag kung sino ba talaga ang pasimuno ng pagiging pambansang bayani ni Pepe. Hindi naman siya nabigo na iparating sa mambabasa kung sino ba si Rizal sa kanyang mga mata, ngunit hindi ko rin maiwasang magtanong habang binabasa ang artikulo, “Si Rizal ba talaga ay walang motibo, sa simula pa lamang, na ihubog ang kanyang pagkatao upang maging isang bayani na kikilalanin pagdating ng panahon?”

Ang bayani noon sa Pilipinas ngayon

            Ang iba ko pang mga katanungan ay sinagot ni Renato Constantino sa kanyang Veneration without Understanding. Higit na tumawag ng aking atensyon sa artikulong ito ay ang pagtalakay sa napakaraming pagkakaiba ng mga ilustrado na pinamumunuan ni Rizal at ng Katipunan na itinatag ni Bonifacio. Inilahad din ni Constantino ang mga kahinaan at limitasyon ni Rizal – na nagpapatunay lamang na kahit ang isang pambansang bayani ay hindi pa rin perpekto. Sumasang-ayon ako sa inilahad niyang punto na kung sakaling nabuhay sa panahong ito si Rizal, marahil ay hindi masusulusyunan ng papel at pluma ang mga problemang hinaharap ng ating bansa. Iba na ang takbo ng utak ng mga Pilipino ngayon. Hindi na tayo pasibo. Hindi na tayo nagsasawalang-kibo sa mga kamalian na nakikita natin sa lipunan na nilason na ng katiwalian. Higit na mas malaya na nating naipapahayag ang ating mga saloobin sa gobyerno kaysa noon. Hindi ganito ang Pilipinas na kinamulatan ni Rizal. At kung sakaling nabubuhay siya ngayon at balintiyak niyang ihahayag ang kanyang pagtutol sa mga nakikita niyang kamalian ay hindi siya uubra.

“A true hero is one with the masses: he does not exist above them. In fact, a whole people can be heroes given the proper motivation and articulation of their dreams…
…When the goals of the people are finally achieved, Rizal the first Filipino, will be negated by the true Filipino by whom he will be remembered as a great catalyzer in the metamorphosis of the de-colonized indio.”

                                    Renato Constantino, A Veneration without Understanding
           
Kanya-kanyang bayani 

Hindi dayuhan sa aking puso’t isipan ang pangalang Jose Rizal. Hindi man siya isang perpektong Pilipino na maituturing ay hinubog pa rin ng lipunan ang Rizal na isang bayani –bayani na naayon sa kung ano ang nararapat. Isang simpleng mamamayan lamang si Rizal na may talino, kakayahan at abilidad na ipinaglaban ang bayan sa paraan na kanyang nalalaman.

 Sino ba ang tunay na pambansang bayani para sa isang Pilipino? Kanya-kanyang bayani lang ‘yan. Kanya kanyang pagtingin sa katotohanan at kasaysayan na nakalatag sa ating harapan. Ngunit kaakibat ng pagtingin sa katotohanan ay nariyan ang mga kamalian na pilit na ikinukubli. Ang tunay na Pilipino na may malasakit sa bayan ay hindi kailan man magbubulag-bulagan.

No comments: