Sumayaw at kumanta man ako ay di pa rin masusuklian
ang kabutihan at tiwala na sa akin ay inilaan.
Kabutihan na walang tigil mong ipinaramdam,
tiwala na buong buhay kong iingatan.
Marami man akong mga pagkakamali at pagkukulang,
batid ko na kahit kailan ay hindi mo ako iiwan.
Bumuo ako ng pangarap at hinangad ko itong matupad,
kasama ka, mga pagsubok ay sabay nating hinarap.
Hindi ko man inakala na ako'y tatahak ng ganitong landas,
Nais kong malaman mo na ipinalangin kong sana ito na,
ito na ang dapat, ito na ang tama,
ito na ang daan na lalakbayin ko hanggang wakas.
Sadya yata talaga na mapaglaro ang tadhana,
panghihinayang at pagaalinlangan, sa puso ay nawala.
Pilit kong pinigilan and puso kong dumadaing ng masidhi,
subali't nagbalik ang ninanais na pilit kong ikinukubli.
Daing na sinubukan ng isip at diwa ko na baliwalaiin,
pagsusumamo na sa wakas ay buong tapang ko nang haharapin.
Ngunit sa pagharap kong ito ay may masasagasaan,
nagbabadyang tumulo ang mga luha na dapat sana ay napigilan.
Buong puso akong humihingi ng tawad kung ika'y masasaktan,
nawa'y mahanap mo ang pagnanasa na ako'y pahintulutan.
Pahintulutan na tumalikod, pahintulutan na lumisan,
pahintulutan na sundin ang isinisigaw ng puso't isipan.
Hindi magiging madali ang pagtalikod na aking gagawin,
lalo na't natutunan na ng aking puso na ika'y mahalin.
Sana'y batid mo na ang pagmamahal ko sa iyo ay tuwiran at totoo.
Pag-ibig na habang buhay kong bibigyan ng puwang sa aking puso,
pag-ibig na walang nang makakapagpabago,
kahit saan, kahit kailan, kahit na ikaw pa o sino man.
Ikinalulungkot ko, ang aking nag-aalab na pag-ibig ay hanggang dito na lamang,
akin namang susubukan ang daan na tatanggalan ko na ng harang.
Panalangin ko na sana sa pagkakataon na ito ay akin nang makamptan,
tunay na kaligayahan at buhay na walang pag-aalinlangan.
At sana sa pagtatapos ng lahat ng ito ay muli kang makakasama,
makakakuwentuhan, makakatawanan at mabubuhay ng may pag-asa.
Hindi ako nanghihinayang sa mga oras na iginugol kasama ka.
hindi ako nanghihinayang sa mga luhang ipinatak habang kasama ka.
Hindi ako nanghihinayang sa mga problemang hinarap kasama ka.
Ang tanging panghihinayang ko lamang ay ang hindi ko na kinaya,
na ituloy pa ang ating nasimulan at tapusin ito nang kasama ka.
Patawad, salamat. 'Yun lang at wala na akong nais sabihin pang iba.
Muli akong nagpapasalamat sa lahat,
hanggang dito na lang,
ito ang sigaw ng pusong nangangarap.
:'-)
- Ma. Kathleen Cruz Cabal,
tugon sa "Sige, sa iyo naman yan!" ni
Lerrizsa Carale Mercurio
October 21, 2010, 2:32am
No comments:
Post a Comment